Saturday, October 30, 2010

MINSAN SIYANG TINAWAG NG PANGINOON SA KANYANG PANGALAN

Pamilyar sa akin ang pagbasa tungkol kay Zaqueo. Ginagamit kasi ito sa House Blessing. Saulado ko na ang pagbasang ito, maski makalimutan ang Collectio Rituum para sa house blessing, magagamit ko ang pagbasang ito. Ginagamit ang kuwento tungkol sa maniningil ng buwis na ito sa mga house blessing upang ipakita rito ang mainit na pagtanggap ni Zaqeo sa ating Panginoong Jesukristo sa kanyang tahanan.

Sa konteksto ngayon, may iba pa itong nais patukuyan.

Nabalitaan ni Zaqueo ang tungkol sa táong ito na gumagawa ng himala at magaling daw magpahayag ng Salita ng Diyos. Isa sa kanyang kakilala na Levi ang pangalan na kapwa din niya maniningil ng buwis ay nag resign na sa kanilang sambahan na Tax Collectors of Judea and Galilee ay kasa-kasama na ng Jesus na ito na taga Nazaret. Nabalitaan din niya na hindi naman maselan ang Jesus na ito di gaya ng mga Hudyo na di nakikisalamuha sa mga kagaya nila. Nagpaunlak nga siya sa isang handaan ng mga publikano. Nakatanggap nga siya imbitasyon na may nakalagay pang RSVP. Kaya lang hindi siya nakadalo. Inaareglo pa kasi niya ang tax statements ng mga malls ni Henry Sheik sa Galilee.

Sino kaya ang táong ito, tanong ni Zaqeo sa sarili. Ano kaya ang itsura niya?

Isang araw nagkakagulo ang mga tao. Nagtatakbúhan patungo sa isang lugar. “Anong meron?” Tanong ni Zaqueo sa isa sa mga humahangos. “Si Jesus na taga-Nazaret!”

Parang may magnet na biglang umakit sa kanya. Dali-dali siyang nagsarado ng kanyang opisinang paningilan. Nakiusyoso siya. Gusto niyang makita si Jesus. Pero maliit siya. Pandak. Nakakahiya namang magpabuhat. Ano na lang ang sasabihin sa kanya. “Ang tanda mo na pare, nagpapabuhat ka pa!” Hindi rin siya makasingit sa mga kapareho din niyang umuusyoso. Iniipit siya. Ayaw rin niya, baka may magnakaw pa ng alahas niya.

Pero hindi. Baka dumaan ang táong ito na hindi man lang niya nasulyapan. Ano ba ang meron at parang gustong gusto niyang makita ang pinagkakaguluhan ng mga tao? Hindi niya alam.

Ah! May nakita siyang paraan. Sa may kalayuan, wala pang tao doon. Wala ring makakakita sa kanya na aakyat siya sa puno. Malabay ang dahon ng sikomorong iyon. Nakakubli siya. Hindi siya mukhang kahiya hiya kung nandoon siya na nakasuot ng mamahaling damit na maraming magagandang burda at lahat ng daliri niya ay puno ng singsing at nakasuot pa siya ng mga mamahaling alahas. Hindi naman siguro masisira ang kanyang manicure at pedicure. Hehehe. Dahan dahan at walang makakaalam. Akyat sa puno ng sikomoro.

Ayun! Nakikita niya sa may kalayuan ang isang lalaki. Pangkaraniwan ang itsura pero parang may kakaiba siyang panghatak. Parang may liwanag na nakapaligid sa kanyang katawan. May mga kasama siya na pinipigilan ang mga tao na halbutin ang suot niya. Sa direksyon ng lakad ng Jesus na iyon, mukhang papalayo sa kinalalagyan niya. Okey lang, sabi ni Zaqueo, makita ko lang siya, ayos na ‘yon. Maski hindi malapitan.

Biglang nag-iba ng direksyon ang lakad ni Jesu. Lumiko sa kalye na kitatatayuan ng sikomoro. Wow! Hayun siya, makikita ko ng malapitan, isip ni Zaqueo. Papalapit na si Jesus at ang mga tao, nagsisimula nang magtipon sa dadaanan niya. Makapigil hininga si Zaqeo. Secured siya. Walang nakakakita. Hindi siya pansin. May mga ilang batang nag-aakyatan na sa punong iyon, pero wala sa kanya ang atensyon nila. Papalapit na ang pinagkakaguluhan. Makapigil hininga si Zaqeo nang mismong sa ilalim ng puno siya dumaan. Kitang kita niya ang maamo niyang mukha. Okey na iyon. Masaya na siya. Nakita na niya ang gusto niyang makita. Lalampas na siya. Masaya na siya.

Biglang tumigil sa paglakad ang Panginoon. Mas lalo niyang namasdan ang kanyang mukha. Ang maamo niyang mukha.

Biglang tumingala si Jesus, parang tinitingnan ang mga bata na nasa puno at ilang mga mamang nakakapit sa puno. Mas tumingala pa si Jesus. Nakatingin na siya sa kanya. Ah dadaan lang siguro ang tingin niya. Maski papano, minsang nagkatinginan sila ng hinahangaan niya. Binuká ni Jesus ang kanyang bibig. Nakatitig na si Jesus sa kanya.

“Zaqeo!”

Parang biglang pinasukan siya ng kuryente sa buong katawan. Sinambit ang pangalan niya. Siya iyon! Baka naman may ibang tao na nasa puno na ganoon din ang pangalan. Pero hindi natinag ang titig ng Panginoon sa kanya.

“Pupunta ako sa bahay mo.”

Medyo napakurap na si Zaqeo. “O-opo, opo.” Bigla siyang napapababâ sa puno. Dali-dali. Hindi niya pansin kung nasugatan siya ng sanga o nakawit ang alahas niya.

Kitang kita siya ng mga tao na may malaking paggalang sa kanya dahil mayaman nga siya at gayun din ng mga naiinis sa kanya dahil corrupt siya. Nagtatagintingan ang mga kuwintas habang bumababa ang pandak na publikano. Hindi siya makapaniwala.

Parang katawa tawang nakatayo si Zaqeo. Hiyang hiya. Hiya ba sa sarili ba niya o sa mga tao o kay Jesus mismo o all of the above. Napabaling ang tingin niya sa isa niyang tauhan. “Madali, umuwi ka. Sabihin mo kay Sarah (hindi totoong pangalan ng asawa ni Zaqeo) na dagdagan ang tanghalian. Dali.” Naintindihan ng tauhan ni Zaqeo kung sino nga ang bisita.

Instant celebrity ang notorious na Zaqeo. Sa lahat ng gustong umimbitá sa kanya sa bahay pa niya pupunta si Jesus! Ang bahay niyang marangya na may matataas ng pader at hindi nagpapapasok doon ng tao basta basta ay biglang nabuksan.

Madali para sa kanya ang magpahanda. Inilabas ang mamahaling alak at nagpa bake ng tinapay. Heto na ang Zaqueo kasama ang Panginoon.

Hindi makakain ang host. Tinitingnan pa rin si Jesus na taga Nazaret. Hindi pa rin siya makapaniwala. Paano siya nakilala?

Dahil sanáy ang mga tauhan ni Zaqeo sa mga ganitong handaan, may mga nakahanda nang mananayaw at mga saliw ng instrumentong magpapasaya sa kainan. Hindi lang mga piling panauhin ang nasa bulwagan. Pati na rin ang mga ususero kanina sa dinaanan ng Panginoon. Nakikain.

Pag tigil ng awitan at sayawan, pinagpatalumpati si Zaqeo. Tumayo siya. Nanahimik ang lahat. Dahil nakaupo naman ang lahat, at nasa mas mataas na kinalalagyan sila ni Jesus, kitang kita siya maski pandak siya.

“Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kahalati ng aking ari-arian.” Nagpalakpakan ang mga tao. Naghiyawan.

“At kung may nadayà man akong sinuman, apat na ibayo ang ibibigay ko sa kanya.” Lalong naghiyawan ang mga tao. Lalong nagpalakpakan ang mga tao at naghiyawan.

Umupo na si Zaqueo, nanggigilid ang luha sa labis na kaligayahan na ibinigay sa kanya sa araw na ito. Hindi ito kayang tumbasan ng lahat ng kayamanan na nakuha niya sa daigdig. Napakasaya niya. Napakasaya.

Tumayo ang Panginoon bilang tugon. Nanahimik uli ang mga tao.

“Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito. Lipi rin ni Abraham ang táong ito. Naparito ang Anak ng tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Pagkaraan ng kuwentong ito na kumalat sa buong lupain ng Jerico, wala na tayong alam kung tinotoo nga ni Zaqueo ang kanyang sinabi o hindi. Ang alam lang natin, minsang pinukaw siya ng Panginoon at sa sandaling iyon nagbagong loob ang publikano at handang ibigay ang lahat dahil sa karanasang iyon.

Minsan naitatanong ko, nasan na ang mga nagtapós ng kursilyo? Nasan na ang mga nag LSS? Nag ME? Nag PREX? Sa mga dinami dami ng seminar, mabibilang mo lang sa daliri ang mga nagpatuloy sa mga paklase ng parokya.

Ngayon, dahil ba rito, ititigil na lang natin ang mga paklase?

Hindi natin saklaw kung sino ang pupukawin ng Panginoon. Kung sino ang dadalawin niya sa mga panahong iyon ng ating mga seminar at paklase.

Huwag tayong manghinawa sa pagdadalá kay Kristo sa sinuman at saanmang pagkakataon. Minsan, ang inaakala nating hindi mabunga, iyon pa ang mas mabunga. Kung sino pa ang hindi natin inaasahan, siya pa yung nanatili at nagtatagal. Kung sino pa ang itinuturing na may kasalanan, siya pa ang banal pala sa harap ng Diyos.

Totoo, hindi na natin alam kung ano ang nangyari sa buhay ng mga tao pagkatapos ng kursilyo, LSS, me o PREX gaya ng dalaw ni Jesus kay Zaqeo. Ang mahalaga, minsan silang pinukaw ng Panginoon sa kanilang buhay at ito ay mananatili saan man sila pumaroon at pagdating ng pagkakataong iyon, mamumunga ang binhing itinanim natin, sapagkat minsan silang dinalaw ng Panginoon at tinawag sa kanilang sariling PANGALAN.

- Fr. Gerald G. Metal

Saturday, August 28, 2010

NANG MAG-ALA RAMBO NI MENDOZA Isang Pagninilay sa Hostage-taking sa Maynila

NANG MAG-ALA RAMBO NI MENDOZA

Isang Pagninilay sa Hostage-taking sa Maynila


Muli na namang bumaba ang dati nang mababang pagtingin sa Pilipino dahil sa nangyaring hostage taking nitong nakaraang Lunes (Agosto 23, 2010). Nag-ala Rambo si Rolando Mendoza nang tinangka niyang kalabaning mag-isa ang isang hukbo ng militar na nakapaligid sa kanya. Produkto rin kaya siya ng di makatotohanang pagpapakita ng buhay sa mga pelikula na kung saan ang isang tao ay mananalo laban sa isang hukbong sandatahang. Hindi kapani-paniwala pero totoo.

Pansariling kapakanan ang inisip ng hostage taker na ito at hindi kahihinatnan nito sa pangkalahatang imahe ng ating bansa. Sinadya niyang i-hostage ang mga banyagang Intsik para makaakit ng atensyon mula sa pamahalaan. Sarili lamang ang inisip niya at ipinain niya ang bayan, pati turismong makakatulong sana sa pag-aangat ng ekonomiya ng bansang ito na lugmok na sa dusa dulot ng nakaraang rehimen. Lahat ng pagsisikap nina Manny Pacquiao, ni Charice Pempengco, ni Arnel Pineda, ni Jed Madela, ni Lea Salonga at ni Venus Raj at ang iba pang nagsikap ipagpunyagi ang ating watawat sa ibayong dagat, naglahong lahat na parang bulâ. Isang bala ka lang, ika nga ni Fernando Poe. Isang bala ka lang, Pilipinas, at lahat wala na sa iyo. Dati rati, ang sarap magsuot ng damit na may bandila o mapa ng Pilipinas. Yung iba bumibili maski mahal. Ngayon, makasusuot ka pa ba ng mga damit na ito?

Notoryoso na ang mga militar, pulis at traffic enforcer sa mga ganitong nakakalungkot na pangyayari, sila na dapat magtanggol at magtaguyod ng batas, sila pa ang nangongotong sa tao, nai-involve sa droga, prostitusyon at bank robbery, at ngayon, hostage taking. Yung mga nagsisikap iligtas ang mga biktima, ngayon, sinisisi pa!

Inilagay ni Rolando Mendoza ang batas sa kanyang mga kamay. Buti na lamang napaslang siya, dahil tiyak susundan pa siya marami pa, kasi iisipin nila mas maganda ang mang hostage para makuha mo ang gusto mo. Siguro ang susunod mga Japanese tourists naman, o Korean.

Sinisisi ang mga operatiba ng kapulisan at ibang mga operatiba sa kakulangan sa kahandaan. Dapat nga silang purihin dahil una, nagpapatunay na hindi terrorist country ang Pilipinas. Bihira ang ganitong mga pangyayari sa ating bansa. Pangalawa, sa likod ng kakulangan, napigil nila ang mas marami pang napaslang kung hindi man lahat. Tanggapin natin na sa mga ganitong mga rescue operation, may maaaring maganap na collateral damage. Ito ang mga hindi sinasadyang maganap sa mga biktima gawa ng pagresponde o pagsaklolo sa kanila. Huwag na natin silang sisihin, kundi bagkus dapat pa ngang purihin at parangalan.

Kung ipinahuli man ang kapatid ni Mendoza, hindi dapat itong isisi sa militar. Sumusunod lamang sila sa utos ng mga nakatataas at maski sino hindi maaaring santuhin sa mga ganitong pangyayari.

Hindi failure ang pagre rescue ng hostage, dahil na-contain naman ng mga militar ang sitwasyon, bago lumalim ang gabi.

Dapat purihin ang pamahalaan sa kanyang pagsusumikap ayusin ng mapayapa ang sitwasyon, subalit dapat lang nitong gawin ito sa konteksto na nakapaloob sa batas.

Kung pangit man ang imahe ng Pinoy at ng Pilipinas sa ibang bansa, lalung lalo na sa China at Hong Kong, ito ay dahil sa di magandang blow by blow broadcast ng media. Anumang tinutukan ng media, gagrabe ang paningin ng mga manonood dito sa ibang bansa. Mag-ge-generalize sila. Isang Pinoy ang may gawa, para bang lahat ng Pinoy, mamamatay tao. Isang maliit na lugar ng isang bansa, parang ganito na sa lahat ng panig ng bansa. Nakakalungkot dahil aminin man ng ABS-CBN at GMA 7 at ng ibang networks yan o hindi, ganyan ang ipinakikita nila sa buong daigdig. Inabuso ang freedom of expression. Ang tawag dito media hype. Kumita ang mga networks na ito at wala silang pakialam sa kahihinatnan ng kanilang mga coverage sa pagbaba ng paningin ng Chino at iba pa sa ating mga kalahi. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kumita at magkaroon ng maraming sponsors.

Nakakainis tingnan na kitang kita mong stressed out na ang mga táong dinadala sa ospital at hinuhuli ng pulis at nakadukdok sa kanilang bibig ang microphone ng isa o ng mga reporters, makakuha lamang sila ng scoop, EKSLUSIBO! LIVE! Yan ang ipinagmamayabang nila. At ang mga Pilipino sa Hong Kong at ibang bansa minamata, EKSLUSIBO RIN at LIVE na inaapi.

Media mileage ang gusto ni Mendoza. Sinusundan lamang sila nina Trillanes at iba pa. Di kasi napapatay ang mga perpetrators. Ngayon, tingnan natin kung may susunod pa. Alam kasi ng mga potential hostage taker na kung gagawin nila ito, papatayin sila. Dapat nga, mas maaga pang pinatumba si Mendoza.

Kawawang mga OFW. Kinakawawa na nga sila ng mga oligarkiya ng bansang ito kaya nasa abroad sila. Bagong bayani raw silang naturingan, kasi dolyar ang hatid sa kanila, hain nila sa mga pulitikong magbubulsa ng kanilang mga tax remittances at ilalagay ang iba sa mga proyekto na pangalan at mukha nila ang nakalagay. Inapi na, ginigisa pa sa sariling mantika. Tapos, eto na naman.

Habang nakikiramay tayo sa mga Chino na nagluluksa sa pagkawalâ ng kanilang mga minamahal sa buhay, pinupuri natin ang mga militar at pamahalaan na nagsikap resolbahin ito. Habang galit tayo sa ginawa ni Rolando Mendoza, kahabagan din natin ang pamilya niya, lalung lalo na ang kanyang anak na lalaki na pigil iyak na humaharap sa media taglay ang pagkapahiya na idinulot ng mga pangyayari.

Friday, August 13, 2010